Kalaboso sa tiwali - Sen. Grace
MANILA, Philippines - Tiniyak ni Senator Grace Poe na magpapatayo siya ng mas maraming kulungan para sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno kapag siya na ang naging pangulo ng bansa.
Sa pagsasara ng ikalawang debateng pampanguluhan kamakalawa, sinabi ni Poe na korapsyon pa rin ang isa sa pinakamalaking problema sa gobyerno, at ito ang nagiging hadlang para tuluyang mawala ang kahirapan sa bansa.
“Kailangan ay ayusin natin ang ating sistema; ang korapsyon ay kailangan masugpo. Bilang pangulo, ako mismo ang pipirma. Kailangan mabilis at may determinasyon na hindi kasama ang aking pamilya o ako pa man sa anumang transaksyon o kontrata sa gobyerno,” ani Poe.
Ayon kay Poe na hindi rin ligtas sa asunto ang mga alyado at taga-suporta ng mga kurakot, kung mapatutunayang sangkot sila sa katiwalian.
“Dadamihan ko ang mga preso, kung saan ang mga tiwali sa gobyerno ay ilalagay ko mismo doon. Kaibigan man o kaalyado,” ani Poe. “Kasi ‘yan talaga ang problema natin. Hanggang ngayon nandiyan pa rin ang corrupt at sila ay nasa puwesto. Dapat makulong, masentensyahan,” ani Poe.
Tahasan rin nitong sinabi na itatalaga nya si dating Marine Col. Ariel Querubin bilang crime czar ng kanyang magiging administrasyon sakaling manalo sya sa halalan sa Mayo.
Tiniyak ni Poe na sa ilalim ng kanyang “Gobyernong may Puso,” hindi lang siya magbibigay seguridad kundi lilikha rin siya ng mga oportunidad para sa mga maralita.
- Latest