Mabuti pa sa Le Tour may ‘4-ever’
LEGAZPI CITY, Philippines – Hindi natinag ang Vino 4-ever SKO ng Kazakhstan sa individual at team classification matapos ang 185km na karera na nanggaling sa Daet City at nagtapos sa harap ng City Hall ng lungsod na ito na nasa harap ng tanyag na Bulkang Mayon.
Namintina ng Stage 2 winner na si Oleg Zemlyakov ang overall leadership at ng buong koponan ang team general classification sa Le Tour de Filipinas na inihahandog ng Air21 bagama’t kumuha ng atensyon ang Australian rider na si Kinan Cycling Team ng Japan at si Wesley Sulzberger na nanguna sa stage na ito.
Bumawi si Sulzberger sa kanyang pagkadismaya sa Stage 2 Lucena-Daet nang maiwanan ito ng breakaway group habang kumukuha ng tubig para sa kanyang team at maagang umatake na sinabayan ng magandang ihip ng hangin dahil hindi ito nagkaproblema sa kanyang biyahe para tawirin ang finish line sa harap ng Legazpi City hall sa plaza sa tiyempong apat na oras at 27.55 minuto.
“I just went and tried for the stage victory to recover some of my disappointment,” pahayag ng 29-anyos na si Sulzberger na nagsimulang rumemate papasok sa huling tatlong kilometro ng karera pa lamang laban sa pumangalawang si Guy Kalma ng Attaque Team Gusto na kanyang iniwan sa huling 300 metro papasok sa finish line.
“I was in front in all of the stages and I think I have good legs to win,” dagdag pa ng Kazakh rider.
Gayunpaman, hindi nito nagawang makapasok sa top 10 overall leaders na mapanatili ang kanilang puwestuhan sa pangunguna ni Zemlyakov na may total time na 13 oras at 43.22 minuto matapos ang kabuuang 539kilometro na nanggaling sa Antipolo City at tatapusin ng Legaspi-Legaspi 160.20-km circuit Stage Four sa paligid ng Mayon Volcano sa karerang itinataguyod ng Petron, MVP Sports Foundation at Smart bilang mga principal sponsors katulong ang Cargohaus, NMM, UFL, Philippine Airlines, Collab Printing Solutions, Autonation, Orangefix at Phenom bilang major sponsors.
Bagama’t nakasabay sa 10-man lead pack ang pambatong Pinoy Rider na si Jonipher Ravina, hindi niya ito nasustinihan sa dulo ng karera para magtapos bilang ikatlo makaraang tumawid ng finish line na may 20 segundong layo kay Sulzberger.
Ngunit sapat na ito para mapanatili ng kanyang koponang 7-Eleven Sava Road Bike Philippines ang second place position sa team classification sa tulong na rin ng kanilang Australian import na si Jesse James Ewart na nanatili rin sa third place overall, may .22 segundong layo kay Zemlyakov na sinusundan pa rin ng kanyang kasamang si Yevgeniy Gidich.
Inamin ni Vino 4-ever Sko team manager Sergey Danniker na hindi nagtangkang umatake si Zemlyakov at ang kanyang team para mapreserba ang kanilang lakas sa ikaapat at huling stage ngayon.
“Control the race and control the time” wika ni Danniker sa magiging game plan ng kanyang team na suportado ng 2012 London Olympics road race gold medalists na si Alexander Vinokourov. “Tomorrow (ngayon) we will protect the yellow jersey.”
- Latest