Lando victims kumakapit na sa ‘5-6’
MANILA, Philippines – Kinalampag kahapon ng isang senador ang gobyerno na patuloy na tulungan ang mga naging biktima ng bagyong Lando na mas nagigipit pa dahil sa napipilitang umutang sa 5-6 o mga tinatawag ring “loan shark”.
Ayon kay Sen. Sonny Angara, hindi dapat na mapagsamantalahan pa ng mga “informal lenders” na nagpapataw ng malaking interes ang mga kaawa-awang magsasaka matapos suyurin ng bagyong Lando ang mga sakahan sa mga lalawigan, partikular sa Aurora nitong nakaraang linggo.
Sa kanyang isinumiteng resolusyon, sinabi ng senador na dahil sa matinding pinsalang sinapit ng agrikultura dahil sa bagyo, kumapit sa patalim ang mga maliliit na magsasaka at kumagat sa tinatawag na “5/6” makabawi lamang sa nagdaang kalamidad.
Kinokonsiderang pinakamatinding bagyong humagupit sa bansa ngayong taon si Lando na umabot sa P9.8 bilyon ang winasak na agrikultura at imprastraktura habang mahigit P8 bilyon naman sa mga pananim at livestock, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa paniwalang makababawi sa mga tinamong pinsala sa bukirin, lumalapit umano ang mga magsasaka sa informal lenders at pumayag na patubuan nang hanggang 25 porsyento kada buwan ang kanilang inutang.
“Matagal na nating problema ito sa sektor ng agrikultura. Walang paraan upang makaabot sa mga legal na pautangan ang ating mga magsasaka kaya’t lumalapit sila sa mga mapagsamantalang lenders. Malaki nga naman ang nawala sa kanila dahil sa mga ganitong kalamidad kaya’t mangungutang sila kahit pa napakalaki ng interes. Iniisip kasi nila na makababawi sila kahit paano,” ani Angara na tubong Aurora.
Iginiit ni Angara sa Department of Agriculture na maglunsad ng kanilang credit facility o pautangan na tinawag na Agriculture and Fisheries Financing Program para sa humigit-kumulang 40,000 magsasaka sa pinakamahihirap na lalawigan sa bansa.
- Latest