‘Police patrolling’
NAPAKAHALAGA ng presensiya ng pulis sa lansangan. Bukod sa madali nang hanapin at tawagan, agaran din silang makakarating sa lugar na pinangyarihan ng krimen na dapat respondehan.
Kapag nakikita at nararamdaman ang police visibility sa komunidad, hindi na kailangan pang magpapawis ng mga awtoridad para makamtan ang respeto at tiwala ng taumbayan. Maliban dito, ang mga kriminal, magdadalawang-isip muna bago gumawa ng anumang katarantaduhan.
Sa mauunlad na bansa tulad ng Amerika, ganito ang kanilang pagpapatupad ng batas. Aktibo at agresibo ang mga patrol officer. Magala ang mga mata sa lansangan, matalas ang pakiramdam, magaling bumasa ng sitwasyon at higit sa lahat agaran sa pagreresponde.
Kaya nga sang-ayon ako sa sinabi ng bagong Philippine National Police (PNP) Chief General Ricardo Marquez, walang mapo-promote na pulis hanggat hindi naiintindihan ang basic patrolling. Ibig sabihin, hindi tataas ang ranggo ng isang PO1 kung hindi pa ito bihasa sa pagpapatrolya sa lansangan.
Subalit, aanhin ang mga crime prevention set up na ito ng PNP kung wala namang imprastruktura o kung tawagin sa Estados Unidos, central communication system o 911. Lahat nang sumbong mapa-medikal man, pulis at sunog, madaling naitatawag ng reporting party at madali ring narerespondehan ng mga awtoridad. Walang pang ganitong sentralisadong sistema sa Pilipinas.
Isa ang BITAG Live sa mga programa sa media na matagal nang nananawagan sa pamahalaan na bigyan ng prayoridad ang pagtatayo ng crime prevention infrastructure sa bansa para mapababa ang kriminalidad. Ang problema, sa halip na ito ang tutukan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na namamahala sa PNP, kung anu-anong pamumulitika at suntok sa buwan na mga programa ang inilulunsad. Ang nangyayari tuloy, ang mga kriminal lalo pang gumagaling dahil napag-aralan na nila ang mga kahinaan ng gobyerno sa aspeto ng seguridad.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas-10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.
- Latest