Bedans nagbabalak sumalo uli sa itaas
Laro Ngayon (The Arena, San Juan City)
10 a.m. EAC vs Lyceum (Jrs)
12 nn SBC vs SSC (Jrs)
2 p.m. EAC vs Lyceum (Srs)
4 p.m. SBC vs SSC (Srs)
MANILA, Philippines – Sisikapin ng San Beda ang bumalik sa itaas ng standings habang iiwas ang Emilio Aguinaldo College na malagay uli sa huling puwesto sa pagpapatuloy ngayon ng 91st NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.
Katipan ng Red Lions ang San Sebastian sa tampok na laro na magsisimula matapos ang labanan ng Generals at Lyceum sa alas-2 ng hapon.
Kasalo ngayon ng Generals ang St. Benilde Blazers at Stags sa 2-6 karta para sa ikapito hanggang siyam na puwesto.
Galing din ang Generals sa 55-68 pagkatalo sa Perpetual Help Altas noong Martes para maputol ang 2-game winning streak.
Magkadikit man ang laro ay palaban pa rin ang tropa ni coach Andy de Guzman para pigilan ang nais ng Pirates (1-7) na magsalo sila sa huling puwesto sa pagtatapos ng kanilang mga kampanya sa first round elimination.
Nagkaroon ng pagkakataon ang 5-time defending champion Red Lions na makasalo uli sa liderato nang natalo sa unang pagkakataon ang Letran Knights sa Generals sa kanilang huling asignatura.
Nasa ibaba ang Stags ngunit hindi minamaliit ni coach Jamike Jarin ang kakayahan ng katunggali na makasilat tulad ng ginawa ng EAC sa Letran.
Sa kabilang banda, sasandalan ng Stags ang nakuhang 77-70 panalo sa Lyceum sa huling asignatura para mapaganda ang puwesto papasok sa second round.
Si Michael Calisaan ang inaasahang mangunguna sa Stags matapos gumawa ng career-high 35 puntos at 16 rebounds sa huling panalo.
- Latest