Lady Maroons niyanig ang Tigresses
STANDINGS W L
Women’s
ADMU 3 0
DLSU 3 0
FEU 2 1
UST 1 2
NU 1 2
AdU 1 2
UP 1 2
UE 0 3
Laro sa Sabado
(The Arena, San Juan City)
8 a.m. Ateneo vs UP (M)
10 a.m. UST vs NU (M)
2 p.m. UP vs La Salle (W)
4 p.m. -UST vs Ateneo (W)
MANILA, Philippines - Nakadagit din ng panalo ang UP Lady Maroons nang napaamo ang UST Tigresses, 26-24, 23-25, 25-20, 25-17, sa 77th UAAP women’s volleyball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Nicole Anne Tiamzon ay may 15 kills at 3 blocks tungo sa 19 puntos bukod pa sa siyam na digs habang sina Katherine Adrielle Bersola at Angeli Pauline Araneta ay nagsanib sa 30 hits para sa Lady Maroons na nakuha ang unang panalo matapos ang magkasunod na kabiguan.
Inakala na lalambot ang tropa ni coach Gerry Yee matapos maisuko ang ikalawang set kahit lumamang na sa 10-4.
Pero nagkapit-kamay ang mga manlalaro ng State University para ipatikim sa multi-titled Lady Tigresses ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan.
Ang rookie na si Ennajie Laure ay mayroong 19 puntos, tampok ang 17 kills, habang si Pam Lastimosa ay sumuporta sa iniambag na 13 hits.
Pero ininda ng koponan ang 32 errors para makasama ng UP, NU Lady Bulldogs at Adamson Lady Falcons sa ikaapat hanggang ikapitong puwesto.
Ang Lady Tamaraws at nakabangon mula sa kabiguan sa huling laro sa kamay ng Ateneo Lady Eagles sa inangking 25-14, 25-13, 25-19, straight sets panalo sa host UE Lady Warriors sa isa pang laro.
Sa men’s division, tinapatan ng UST Tigers ang 3-0 karta ng nagdedepensang kampeon National University Bulldogs sa pamamagitan ng 25-18, 25-11, 25-15, panalo habang tinapos ng La Salle Archers ang dalawang sunod na kabiguan sa 25-19, 25-19, 25-21, pangingibabaw sa host UE Red Warriors na nalaglag sa 0-3 karta. (AT)
- Latest