Unang ginto sa ASIAD mula sa Fil-Am BMX rider: Sa wakas nakaisa rin
INCHEON, Korea -- Tinapos ni 2012 London Olympian Daniel Caluag ang paghihintay na makatikim ng gintong medalya ang Team Philippines nang pangunahan niya ang BMX cycling competition sa 17th Asian Games kahapon sa Ganghwa Asiad BMX Track.
Mula sa seeding run ay itinatak agad ni Caluag ang kanyang husay laban sa pitong iba pang katunggali sa nangunang 35.486 segundo tiyempo bago pinangunahan pa ang tatlong karera sa 35.277, 35.366 at 35.431 patungo sa gintong medalya.
Ang panalo ng 2013 SEA Games gold medalist ay magandang regalo kay Chief of Mission at PSC chairman Ricardo Garcia na nagdiwang ng kanyang kaarawan kahapon.
“If I knew sana mas maaga ang birthday ko para maaga pa tayo nagka-gold,” may pabirong wika ni Garcia.
Susuklian ang kabayanihan ni Caluag sa ipagkakaloob na P1 milyong gantimpala base sa Incentives Act ng pamahalaan.
Nagkaroon pa ng isang bronze medal ang taekwondo na hatid ni Mary Anjelay Pelaez na hindi kinaya ang husay ng Koreanang si Sohui Kim (14-2) sa semifinals ng women’s -46kg.
Sumalang din sina Pauline Louise Lopez at Christian dela Cruz pero bigo silang mag-ambag ng medalya sa hanay ng mga jins sa women’s -57kg at men’s -80kg.
Sa kasalukuyan ay may isang ginto, dalawang pilak at limang tansong medalya ang Pilipinas papasok sa huling dalawang araw ng kompetisyon.
May posibilidad pang madagdagan ang gintong medalya dahil apat na boksingero ang maglalaro ngayon sa semifinals.
Si London Olympian Mark Anthony Barriga ay mapapalaban kay Shin Jonghun sa light flyweight, masusukatan si Mario Fernandez kay Jiawei Zhang ng China sa bantamweight, si Charly Suarez ay makikilatis kay Alkasbeh Obada Mohammad ng Jordan sa lightweight at si Wilfredo Lopez ay gagawa ng pangalan laban sa isa pang Jordanian boxer na si Odai Riyad Aldel Alhindawi.
Target ng 150-Pambansang atleta ang mahigitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na tansong medalyang nasungkit noong 2010 Asian Games na idinaos sa Guangzhou, China.
Hindi naman nakalusot ang tambalang Jhonmar Arcilla at Noelie Conchita Zoleta matapos yumukod sa Chinese pair na sina Mo Zhou at Hui Chen sa quarterfinal round ng soft tennis mixed doubles event.
Namaalam din para sa medalya si Jason Balabal nang talunin ni Azat Beishebekov ng Kyrgyztan sa quarterfinals ng men’s Greco-roman 85kg. sa wrestling event.
Nabigo rin ang huling lahok ng taekwondo team na si Christian Al dela Cruz matapos tumumba kay Maksim Rafalovich ng Uzbekistan sa quarterfinals ng men’s 80kg. class.
Nakawala sa Blu Girls ang bronze medal nang mabokya sa China 3-0 sa women’s softball event.
- Latest