‘Mga Bubuyog sa loob ng Bahay?’
WALA kang karapatan sa isang bagay na hindi sa iyo.
“Bakit ko kailangan magmakaawa na makuha ang akin naman talaga?”, ani Virginia. Si Virginia Rempillo, 76, ng Greenland Nangka, Marikina ay dating mananahi. Ang huling naging trabaho niya ay ang paggawa ng sapatos bago siya tuluyang huminto dahil na din sa katandaan. Sa isang pagbabalik-tanaw, noong ika-29 ng Enero, 2014 nagtungo sa aming tanggapan si Virginia upang humingi ng tulong ukol sa hindi makuhang SSS benefits niya. Muling nagbalik si Virginia na may magandang balita. Natanggap na niya ang kanyang SSS benefits na P10,000 at P2,000 na pensiyon. Kami ay nagagalak sa magandang balitang dala niya at nagpapasalamat sa SSS lalong-lalo na kay Ms. Mae Francisco at Ms. Lilibeth Soralbo ng SSS sa kanilang puspusang pagtulong sa mga miyembro nila sa pamamagitan ng aming programa. Matapos malutas ang unang inilapit niya sa amin, may bitbit naman siyang ibang problema. Ito’y tungkol sa hindi pagbabayad ng upa sa kanyang bahay. Si Virginia ay may bahay sa San Mateo, Rizal. Naipundar nila ito ng kanyang mister na si Virgilio Rempillo bago ito pumanaw noong 2000. Ang bahay na tinirhan ni Virginia sa Marikina ay pagmamay-ari ng kanyang anak na si Mary Jane Aoyagi dahil siya ay kasalukuyang nasa Amerika. Isang kalye ang layo mula sa kanya, nakatira ang kanyang anak na si Gilbert “Boyet” Rempillo kasama ang asawa nitong si Francisca “France” Rempillo. Sa una, mag-isa lang na nakatira si Virginia sa bahay na iyon. Hanggang sa sinamahan siya ng apo niyang si Bernard Vargas. Naiwang mag-isa muli si Virginia nang mag-asawa na si Bernard. Sa pagkakataong ito, sinamahan naman siya ng isa pa niyang anak na si Ricky Rempillo. Hindi ito nagtagal dahil pumanaw si Ricky sa edad na 32. Ang bahay nila Virginia ay pinarerentahan din nila noon sa mga okasyong tulad ng kasal, binyag at birthday parties. Dalawang-palapag ang bahay na ito at nasa ikalawang-palapag ang kwarto ni Virginia. Taong 2010 ng ma-stroke si Virginia.
Napagpasyahan niyang parentahan ang bahay para pantulong din sa kanyang gastusin sa gamot. Lumipat siya sa bahay nina Mary Jane dahil ito naman ay nasa ibang bansa. Malaki ang bahay na may sukat na 573 square meters. Ito ay may mga naiwang gamit tulad ng dining table. Mayroon ding function room, dance studio at pool. Pinaupahan nila ang bahay sa halagang P12,000. Taong 2013 nang magtanong si Joanne Jimenez sa gwardiya ng Greenland Subdivision Marikina kung may paupahan ba daw itong alam. Dito na nagkakilala sina France at Joanne. Humingi si France ng 1 month deposit at 2 months cash advance na nagkakahalagang P36,000. Hindi ito natupad. Lumipat sina Joanne at ang mga anak nito pati ang kanyang kinakasamang si Dindo Garra noong ika-10 ng Hulyo, 2013. Sa pagkakaalam ni Virginia, halos 10 katao ang naninirahan sa kanilang bahay. Nagbayad naman sila Joanne at Dindo ng upa hanggang buwan ng Oktubre. Ngunit hindi na ito nasundan ng mga sumunod na buwan. “Extend na lang sila ng extend. Mangangako silang magbabayad ng ganitong petsa, pero hindi naman sila magpapakita. Kami na nga itong walang sawang umiintindi, kami pa ang naghahabol sa kanila para lang magbayad”, ani Virginia. Netong nakaraang Marso at Abril , 2014, nagbigay ng tseke si Joanne na nagkakahalagang P24,000 at P30,000. Ngunit ang mga tseke ay tumalbog (closed account). Nagpasya nang singilin ni Gilbert si Joanne. Pumunta na ito kila Joanne. Ngunit nag-file pa ito laban sa kanya ng kasong trespassing sa Prosecutor’s Office ng Marikina City. Gumawa ng salaysay si Joanne na nagsasabing sapilitang pinasok ni Gilbert ang kanyang bahay ng walang pahintulot kasama ang tatlo pang ibang lalaki.
Nagpasa naman ng kontra salaysay si Gilbert at nagkaroon ng tatlong pagdinig sa kanilang kaso ngunit hindi humarap sa korte sila Joanne. Nailabas ang resolusyon nitong nakaraang Hunyo 23, 2014. Ni-re shuffle ang kanilang kaso sa ibang taga-usig. Ito ay pirmado ni Assistant Prosecutor Ricardo Paet, Jr. at aprubado ni City Prosecutor Jason Antonio Amante. Nagpupumilit pa rin sila Joanne na huwag umalis sa kanilang tinitirahan. Mula buwan ng Oktubre 2013 hanggang sa kasalukuyan ay hindi na ito nagbayad ng upa. Kung susumahin ang 11 buwang hindi pagbayad nila Joanne sa pamilya Rempillo, ito ay umaabot sa P132,000. Sagot pa umano nitong si Joanne, “Walang kung sino man ang makakapagpaalis sa amin dito sa bahay na ‘to” Ito ang dahilan ng paglapit ni Virginia sa aming tanggapan.
Itinampok namin si Virginia Rempillo sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes, mula 2:30-4:00PM. At Sabado 11:00-12:00NN).
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, hindi na mabilang ang mga taong nabiktima ng salitang ‘tiwala’. Hindi naman namin sinasabi na ang lahat ng tao ay pagdudahan ninyo, pero wag niyo namang basta ibaba ang inyong kamay na bukas na bukas at iwan ninyo ang sarili na walang kalaban laban. Maaaring sampahan ng kasong kriminal nila Virginia si Joanne ng paglabag sa Batasang Pambansa 22 (Anti-Bouncing Check Law) dahil sa talbog na tsekeng binigay nito sa kanila. Kung sakaling magkaroon sila ng pag-aayos at mangako na ito’y huhulug-hulugan, ilalagay ito sa isang kasunduan kung saan nakapirma ang nangangako sa harap ng isang hukom. Sakaling hindi niya tuparin ito, maaari siyang makasuhan ng Contempt of Court at labasan ng warrant of arrest. I-nirefer namin si Virginia sa PAO Marikina sa pamumuno ni Atty. Roda Flor Larracas upang matulungan silang magsampa ng iba pang mga kaukulang kaso. (KINALAP NI HAZELYN FRIAS) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285/7104038 o mag-message sa www.face book.com/tonycalvento
- Latest