Kumidnap at pumatay sa bokal, driver, nadakip
MANILA, Philippines - Bumagsak sa kamay ng pulisya ang notoryus na holdaper, kidnaper na si Martin Lico Jr., gumagamit ng mga alyas na Romeo Buluran, Bogar, Aldreen Daat, Sgt. Mutia, Romeo Hernani at Paul na pangunahing suspek sa pagdukot at pagpatay sa dating Albay provincial Board Member na si Jose Saribong at driver nito noong Enero 23, 2012 matapos harangin ang kanilang sasakyan sa Golden Meadows Avenue sa Brgy. Mayamot, Antipolo City.
Batay sa ulat, dakong alas-8:45 ng gabi nang magsagawa ng pag-aresto ang mga otoridad sa suspek sa Gate 1 ng Rhonavile Townhomes, F. Santos Avenue, Las Piñas City.
Inaresto ang suspect sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Marie Claire Victoria Mabutas-Sordan ng Regional Trial Court, Judicial Region, Branch 95 ng Antipolo City sa kasong kidnapping for ransom.
Nabatid na Pebrero 2,2013 nang madiskubre ang naagnas ng bangkay ng mga biktima sa Forest Hills, Cogeo, Antipolo City sa kabila ng umano’y pagbabayad ng P 890,000 ransom ng pamilya ni Saribong sa mga kidnapper.
Sangkot din ang suspek sa tatlong kaso ng kidnapping for ransom sa Metro Manila at nabatid na ito ay isang pugante sa Davao Prison and Penal Farm noong Pebrero 5, 1994 sa kasong homicide at dati ring miyembro ng Alferez organized crime group, sub-leader ng Ozamis robbery holdup and kidnap for ransom group na nag-o-operate sa Metro Manila, mga karatig lalawigan at maging sa Maguindanao.
Bukod dito, nahaharap din ang suspek sa kasong robbery na nakasampa sa Quezon City Police District kaugnay ng pagkakasangkot nito sa Jewelry shop robbery sa SM, North Edsa noong Disyembre 16, 2013 at bank robbery sa LandBank sa Timog Avenue, Quezon City noong 2008 gayundin sa IBANK robbery sa Amorsolo, Makati City.
- Latest