Una pa lang ito
PALAYO na ang bagyong Glenda, ang unang malakas na bagyong tumama sa bansa itong taon. At tiyak hindi ito ang huli. Unang humagupit sa Bicol, na hindi nakaranas ng malakas na bagyo mula pa noong 2006. May dalang hangin na umaabot sa higit 200 kilometro kada oras si Glenda, kaya hindi biro, lalo na’t wala pang isang taon ang bagyong Yolanda na sariwa pa sa isipan nang marami. At hindi nga nagbiro.
Nagdulot nang malawakang brownout sa ilang lalawigan sa Bicol. Nagbagsakan ang mga malalaking puno, nagliparan ang mga yero, may mga pader at bahay na gumuho. Pero kung may rehiyon na sanay sa bagyo, Bicol iyon. Pero dahil walong taon na rin silang ligtas sa mga bagyo, medyo nanibago ng konti.
Matapos manalasa sa Bicol, humina bahagya at tinungo ang Metro Manila. Pero tila nag-ipon muli ng lakas, at naramdaman natin ang lakas ng bagyo mula alas siyete hanggang alas diyes ng umaga. Pero madaling-araw pa lang ay nawalan na ng kuryente sa halos 90 porsyento ng Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon. Ito ang dulot ng malakas na hangin. Wala masyadong ulan, pero matindi naman ang hangin na nagpabagsak sa ilang poste ng kuryente at telepono.
At mistulang nagsara ang buong Metro Manila. Walang kuryente, nawalan ng signal ang cell phone at internet, tumigil ang MRT/LRT. Paralisado ang siyudad. Martes pa lang ng hapon ay magdeklara na ng walang pasok ang lahat ng antas.
Nagsara rin ang gobyerno, at maraming mga opisina at negosyo ang hindi na nagbukas.
Mabuti naman at medyo napaghandaan, kahit papano. Natututo na rin tayo. Unti-unti na ring bumabalik ang kuryente sa Metro Manila.
Pero 40 buhay ang binawi ng bagyong Glenda. Maraming nadaganan ng mabibigat na bagay na pinatumba ng bagyo, tulad ng puno, pader at poste.
Marami pa ring kailangang gawin para maiwasan ang mga ganitong pangyayari. Lalo na’t ito pa lang ang unang bagyo na tumama sa lupa ngayong taon.
- Latest