Made in China
MAY bagong inilabas na mapa ang China, kung saan nakalinya ang kanilang inaangkin na teritoryo sa rehiyon. Kung makikita n’yo ang mapa, halos nakadikit na sa ibang bansa ang inaangkin nila. Ang linya ay halos sinundan ang baybayin ng buong Pilipinas. Sa madaling salita, walang inaaring karagatan ang lahat ng bansa sa rehiyon, dahil sa China raw ang lahat na iyan. Kaya kung ano ang gusto nilang gawin, gagawin nila.
Ang bagong mapa ay “10-dash line” na, mula sa “nine-dash line” na una nilang inilabas. Ayon sa kasaysayan, “eleven-dash line” pa nga iyan noong panahon ni Chang Kai Shek, naging “nine”, ngayon “ten” na. Ano ang ipinakikita nito? Na wala talagang matibay na basehan ang lahat ng inaangkin ng China. Kung ano ang matipuhan ng taga-gawa ng mapa, o ng kasalukuyang pinuno o emperor, iyon na ang masusunod. Pahayag pa ng China kailan lamang ay dapat tanggapin ng mundo ang katotohanang ito. Katotohanan ayon sa kanila.
Sa totoo lang, ang mga kilos at pahayag na ito mula sa China ang nagbabaon na rin sa kanila. Maraming bansa ang sang-ayon sa ginawa ng Pilipinas, sa pag-angat ng reklamo sa UN, base sa UNCLOS. Para sa mga ganitong sitwasyon nga ang UNCLOS, na nilagdaan nang maraming bansa, kasama ang China. Hindi dapat idinadaan sa lakas ng militar ang pagtatalo sa teritoryo. Batikos ang inaabot ng China sa kanilang mga kilos sa karagatan malapit sa Vietnam, pati na rin ang paggawa at pagtayo ng mga gusali sa mga isla na pinagtatalunan pa. Unti-unti nang kinikilala ang China na isang berdugo sa mundo. Pero wala namang pakialam ang China kung ano ang tingin ng mundo sa kanila, basta masunod lang ang sa kanila. Kahit siguro kalaban nila ang buong mundo ay wala pa rin silang pakialam.
Ano pa ba ang maasahan sa isang bansa na yumaman dahil sa pagkopya at pagpeke ng halos lahat nang kagamitan sa mundo? Magtataka pa ba tayo kung ang kanilang mapa ay peke rin? Kung madaling magiba ang kanilang itinatayong kaharian, tulad na rin nang maraming produktong kinopya lamang nila? Made in China nga naman, di ba?
- Latest