Patayan sa Caloocan, tututukan
MANILA, Philippines - Nagsasagawa ngayon ng malalimang imbestigasyon ang pamunuan ng Caloocan City Police kung iisang tao o iisang grupo lamang ang pumapatay sa mga opisyal sa lungsod.
Magugunitang labis nang ikinaaalarma ng mga residente ang sunud-sunod na insidente ng pagpaslang sa ilang opisyal sa lungsod.
Pinakahuli nga ay ang pagbaril at pagpatay sa barangay kagawad na si Rogelio Escano, 53, ng Brgy. 44. Sinasabing nagluluto sa Tony’s restaurant sa 8th Avenue ang biktima ng isa sa dalawang hindi pa kilalang mga suspek na sakay ng motorsiklo ang bumaril dito.
Noong Mayo 7, alas-10:00 ng gabi nang tambangan ng dalawang hindi pa kilalang mga suspek sakay ng motorsiklo si Kagawad Garry Moralla, 26, ng Brgy. 181 na ikinasawi nito habang sugatan naman ang kanyang misis na tinamaan din ng bala sa insidente.
Nabatid pa na noon namang Marso 25, 2014 nang pagbabarilin at mapatay ng isa sa dalawang lalaki sakay ng motorsiklo si Brgy. Chairman Pedro Ramirez, ng Brgy. 183, alas-7:45 sa Gate 2, Amparo Subdivsion, Quirino Highway ng naturang lungsod.
Kung saan isang Mark Anthony Francisco “alyas Rodel Elizardo†ang sinasabing gunman, na suspek din sa pagpatay sa hepe ng Department of Public Safety and Traffic Management Zone 16, North na si Eduardo Balana, 66.
Marso 21, alas-7:30 ng gabi nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang riding-in-tandem si Luisito Banzon, 37, kagawad ng Brgy. 187 habang nagbababa ng sako ng bigas sa tapat ng kanilang bahay sa Sunflower St., Tala ng naturang lungsod.
Sa kabila ng mga tama ng bala sa katawan ay nakaligtas si Banzon nang lapatan ng lunas sa Jose Rodriguez Hospital.
Napag-alaman na nakaligtas din sa kamatayan si Kagawad Edward Jundayao, 44, ng Brgy. 174 nang barilin sa katawan ng hindi pa kilalang suspek habang hinihintay ang asawa sa tapat ng kanilang bahay sa Waling-Waling St., Camarin ng naturang lungsod.
Nalaman din na motorcycle riding-in-tandem din ang tumambang at nakapatay kay Brgy. Chairman Alejandro Bonifacio, ng Brgy. 163 noong Marso 3 ng taong kasalukuyan.
- Latest