Kumplikadong buhay
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang ako sa pangalang KC. Isa akong OFW. I’m married with one daughter pero sa kasamaang palad hindi po nag-workout ang relationship namin dahil sa magulang niya. Sila po kasi ang nagde-decide para sa buhay namin at sumasang-ayon lang po ang asawa ko. Hanggang pati po sa sahod sila na rin ang nagdedesisyon. Pero sobra po akong nasaktan nang malaman ko na sa mama niya siya nagpapadala at nag-iipon ng pera. At bilang asawa pakiramdam ko po wala akong karapatan para mag-decide at ‘di karapat-dapat na pagkatiwalaan sa ipon niya. Hanggang sa di ko nakayanan, nag-decide ako na bumalik sa ibang bansa para magtrabaho. After a year, minsan lang kami nag-usap hanggang sa may nabalitaan akong may gf na siya sa barko. Napakasakit kasi kilala rin ng magulang niya ‘yung babae. Sabi ng kasamahan niya sa work, mas gusto nila ‘yung girl kasi mapera. Napagod po ako. Para sa akin, it’s time to move on in my new life. Ito pong paÂngalawa kong problema, na-in love ako sa lalaking may asawa at may anak. ‘Yung relasyon namin ay para lang sa abroad pero pagdating sa ‘ Pinas ay kanya-kanya na kami. Ilang beses ko mang gawin at inisip na hiwalayan ko siya pero bakit ganoon? Isang tawag lang niya hindi ko siya matiis. Ano ba ang dapat gawin ko para kahit unit-unti ay magawa ko ang tama para sa buhay ko?
Dear KC,
Totoong tao lang tayo at may kahinaan lalo na sa tawag ng pag-ibig. Pero kung may likas tayong takot sa Diyos, kusa tayong iiwas sa pagkakasala. May bf ka na may asawa at ikaw din ay may asawa bagama’t hiwalay kayo. Kung batid mong mali ang ginagawa mong relasyon sa kanya, dapat magkusa kang putulin na ito. Walang kahihinatnan ang inyong relasyon. Malaki na ang problema mo kaya huwag mo nang palakihin pa. Kapag ipinagpatuloy mo pa ang pakikipagrelasyon sa iyong bf, para ka lang kumuha ng batong ipupukpok sa iyong ulo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest