Matapos ang krisis, Zambo lubog sa baha
MANILA, Philippines - Nahaharap na naman sa isang panibagong krisis ang Zamboanga City matapos ang panggugulo ng mga rebelde.
Lubog sa baha ang lungsod pati ang mga karatig bayan dahil sa Intertropical Convergence Zone (ITCZ), kung saan higit 90.000 katao ang apektado.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes ay patuloy na binabayo ng katamtaman hanggang malakas na buhos ng ulan ang Western Visayas, Central Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Soccsksargen mula pa noong Oktubre 4.
Sinabi ni Zamboanga City Mayor Beng Climaco na 10 barangay nila ang lubog sa baha.
"Slowly, Zamboanga City is getting back to normalcy, but the incessant rains that hit the city since Friday has inundated low lying areas causing another evacuation in at least 10 barangays," pahayag ni Climaco tungkol sa halos tatlong linggong kaguluhan sa pagitan ng awtoridad at Moro National Liberation Front.
Dahil sa kalamidad ay muli na namang nakansela ang ilang klase sa lahat ng antas sa pribado at pampublikong paaralan maging ang pasok sa trabaho.
Noong Setymebre 9 ay sinakop ng mga MNLF ang ilang barangay ng Zamboanga City bilang protesta sa umano'y pagbabalewala ng gobyerno sa kanilang usapan.
Tumagal ng 20 araw ang krisis sa lungsod na nagdulot ng problema sa mga residenteng nawalan ng tirahan.
- Latest
- Trending