Aussie na may Interpol notice, tiklo
MANILA, Philippines — Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 51-taong-gulang na Australian national na si Rishi Levi, na nasa ilalim ng Interpol Red Notice, sa isang operasyon sa Bonifacio Global City (BGC), Taguig City, kamakalawa.
Ang paghuli ay isinagawa alinsunod sa isang mission order na inilabas noong Setyembre 8, 2026, at sa pakikipagtulungan ng PNP-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IG), Highway Patrol Group (HPG), at Taguig City Police Station.
Si Levi ay pinaghahanap ng mga awtoridad ng India kaugnay ng mga umano’y criminal conspiracy.
Si Levi ay target din ng Interpol Red Notice batay sa isang warrant of arrest na inisyu ng Hukuman ng Punong Judicial Magistrate, Rouse Avenue District Courts, New Delhi, India, noong Nobyembre 28, 2024.
Base sa report ng mga awtoridad sa India, gumawa si Levi ng mga pekeng transaksyon na naglilipat ng pondo ng bangko. Dagdag pa ng mga awtoridad, kumita si Levi ng humigit-kumulang USD 430,000 na personal na komisyon mula sa mga transaksyon, na iniulat na nagresulta sa tinatayang pagkalugi ng INR 2.49 bilyon sa National Agricultural Cooperative Marketing Federation of India (NAFED).
Sa inisyal na beripikasyon ng mga rekord ng BI, lumabas na huling pumasok sa Pilipinas si Levi noong Enero 4, 2026. Matapos ang kanyang pagkakahuli, si Levi ay dinala sa BI Warden’s Facility sa Taguig City at mahaharap sa proseso ng deportasyon.
- Latest


















