PNP: Crime rate nitong Hunyo bumaba ng 30.43 percent
MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ng 30.43 porsiyento ang naitalang focus crimes sa buong bansa noong Hunyo kumpara sa kaparehong buwan noong 2025.
Sinabi ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na batay sa records, mula sa 3,073 insidente noong nakaraang taon, bumaba ito sa 2,138 kaso ngayong taon.
Kabilang sa mga focus crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft at carnapping. Nabatid na nakapagtala ng pinakamalaking pagbaba sa carnapping ng motor vehicles na 66.67 porsiyento, kasunod ang rape na 57.25 porsiyento at physical injury na 40.15 porsiyento.
Nagsagawa rin ang PNP ng 5,298 anti-drug operations noong Hunyo na nagresulta sa pagkakaaresto ng 6,085 katao at pagkakasamsam ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P435 milyon. Nasa 7,923 wanted persons, 3,779 na baril ang nakumpiska o kusang isinuko sa kampanya laban sa loose firearms. Aniya, bunga ito ng pinaigting na police operations at crime prevention efforts.
Sa kampanya laban sa economic offenses, nagsagawa ang PNP ng 2,517 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 665 katao at pagkakasamsam ng mahigit P1 bilyong halaga ng kontrabando. Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa Bureau of Customs sa imbestigasyon kaugnay ng halos P980 milyong halaga ng smuggled cigarettes na nasabat sa Cebu.
- Latest



















