Pangulong Marcos itinaas allowance ng AFP
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang increase o pagtaas ng subsistence allowance para sa mga opisyal at enlisted personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa ilalim ng Executive Order (EO) 84 na nilagdaan nitong Biyernes, na ang subsistence allowance ay tataas mula P150 ay gagawin itong P350 mula Enero 1,2025.
“It is imperative to increase the Subsistence Allowance of all Officers and Enlisted Personnel of the AFP, to protect and promote their welfare, in recognition of their sacrifices and perseverance, in defending and upholding the country’s sovereignty and territorial integrity,” nakasaad pa sa kautusan.
Nakasaad pa sa EO na ang kasalukuyang subsistence allowance ng militar ay hindi na sapat para matugunan ang araw-araw na pangangailangan ng isang aktibong sundalo, na mahalaga sa kanilang kalusugan at pagganap ng kanilang tungkulin.
Ang subsistence allowance ng AFP ay huling na-adjust noong 2015 alinsunod sa Joint Resolution No. 5 ng Kongreso.
Sakop din ng pagtaas ang lahat ng trainees, at probationary second lieutenants/ensigns na sumasailalim sa training, Citizen Military Training cadets at reservists.
Ang gagamiting pondo para maipatupad ang increase ay manggagaling sa mga available funds para sa AFP sa ilalim ng General Appropriations Act sa fiscal year 2025 at iba pang pinagkukunan ng pondo na matutukoy ng Department of Budget and Management (DBM).
Ang kautusan ay magkakaroon agad ng bisa matapos na mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagan na may malawak na sirkulasyon.
- Latest