Visayas: Normal ang brownout!
Parang nagiging normal na sa Visayas ang red alert, rotational brownout at abiso na kapos ang kuryente. Pero dapat malinaw: hindi normal ang brownout. Kapag nasanay tayo rito, hindi lang ilaw ang nawawala—trabaho, kita, negosyo at kumpiyansa sa ekonomiya ang kasamang pinapatay.
Noong Setyembre 3, siyam na oras na naka-red alert ang Visayas grid. Available capacity: 2,187 megawatts laban sa projected peak demand na 2,575 MW. Ibig sabihin, manipis na agad ang suplay bago pa magkaroon ng dagdag na aberya.
At sa Cebu, tig-iisang oras na rotational brownout ang sagot—puwede ba ’yun? Isang oras na walang kuryente, isang oras ding baldado ang negosyo. Hihinto ang makina, computer, internet, production at serbisyo. Hindi puwedeng sabihin: “Stop muna tayo ng isang oras, brownout eh.”
Sa bahay, istorbo ito. Sa negosyo, lugi ito. Bakery, restaurant, pharmacy, supermarket, BPO, hotel at pabrika—apektado. Kapag nag-generator, dagdag gasolina. Kapag nasira ang produkto o equipment, dagdag gastos. Sa dulo, consumer din ang nagbabayad.
Hindi ito isolated incident. Paulit-ulit ang red at yellow alerts habang may generating units na naka-forced outage o derated at limitado ang power imports. Kapag manipis ang reserve, isang malaking plantang pumalya ay sapat para maramdaman ng milyon-milyong consumers.
Kaya tama na ang turuan. Generator ba? NGCP? Distribution utility? DOE? Regulator? May responsibilidad ang bawat isa. Hindi trabaho ng consumer na mag-referee kung sino ang may kasalanan. Ang obligasyon ng power sector ay simple: sapat, maaasahan at tuluy-tuloy na kuryente.
Paano natin ibebenta ang Cebu at Visayas bilang investment, tourism at industrial powerhouse kung pati basic power reliability ay hindi matiyak? Investors look for stability. Kung brownout ang paulit-ulit nilang makikita, hindi lang ilaw ang mawawala—pati investments at trabaho.
Hindi puwedeng gawing bagong normal ang brownout. Ilatag ang long-term power plan, dagdagan ang dependable capacity, ayusin ang transmission at inter-island supply, at panagutin ang pumapalya. Dahil kung walang power, walang negosyo. Kung walang negosyo, walang trabaho. At kung walang trabaho, buong ekonomiya ang talo.
- Latest




















