Dawa, Mate, Carmona kampeon sa 4th MGB Chess Cup

MANILA, Philippines — Nagpakitang gilas sina Abimelech Dawa, Patrick Carmona, at Lanie B. Mate matapos nilang magkampeon sa magkakahiwalay na dibisyon sa katatapos na 4th edition ng MGB Chess Cup na nilaro sa The Philippine Star Bldg. sa Amvel Business Park Dr. A. Santos Ave. Brgy. San Dionisio, Parañaque City kahapon.
Nirehistro ni Dawa, sportswriter sa Pilipino Star Ngayon at Pang Masa ang apat na puntos sa 6-player single round robin sapat upang angkinin ang korona sa Advance division sa event na suportado at inisponsoran ni President / CEO Miguel G. Belmonte.
Nagsalo naman sa 2nd place sina veteran reporter Joey Villar ng Philippine STAR at Junrey Dugaduga na pambato ng accounting (Printing), nakapagtala sila ng tig-3.5 points.
Ito ang ikalawang titulo ni Dawa sa nasabing event, siya rin ang nahirang na kampeon sa first edition may dalawang taon na ang nakalipas.
Si Dugaduga ang naghari sa second leg at third leg habang si Villar ay tatlong beses ng nag runner-up (1st, 2nd at 3rd, ).
Namayagpag naman sa Intermediate men’s division si Carmona matapos ilista ang perfect five points sa ipinatupad na five round swiss system, habang second placer si Michael Agumbay na may apat na puntos.
Nagreyna naman sa distaff side sa Intermediate category si Mate na nakalikom ng tatlong puntos, segunda si Mika Guanzon.
Sumali rin sa nasabing chess tournament na inorganisa ni Mary Grace Malapote-Lincuna, ang anak ni PhilStar CEO Belmonte na si Santi Belmonte.
Samantala, si National Master Marlon Bernardino ang chief arbiter at si NA Diomel Medrano ang Deputy chief arbiter.
- Latest


















