Baldwin, 11 pa swak sa homicide

MANILA, Philippines — Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide laban kay dating Ateneo de Manila University men’s basketball head coach Tab Baldwin at pito pang opisyal ng koponan kasunod ng pagkamatay ng student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili noong Hunyo 8 sa Dipaculao, Aurora.
Kabilang din sa mga inirekomendang sampahan ng kaso ay ang assistant coaches na sina Jon Jacinto, Dean Castaño, Sandro Soriano at Buboy Domingo, strength and conditioning coaches na sina CJ Elumba at Grant Dearns, at physical therapist na si Jeric Rueca.
Nasawi sina Baterbonia at Adili matapos malunod sa isang seawater activity na bahagi ng team-building ng Blue Eagles sa Hermanos Leisure Farm and Surf Camp sa Dipaculao, Aurora. Sinasabing ilan pang player ng ADMU ang muntik ding malunod.
Pinasasampahan din ng kasong simple negligence resulting in two counts of homicide laban sa mga may-ari ng resort na sina Francisco at Frederick Zubia, resort manager na si Yedda Rubio, at Ateneo athletic director Em Fernandez.
Ayon sa NBI, si Baldwin umano ang nagplano at nanguna sa isinagawang sea drill bagamat alam nito na may ilang mga manlalaro ang hindi marunong lumangoy. Nagbigay lamang ito ng babala tungkol sa rip current at hindi naglaan ng life vests, lifeguards, o nakaantabay na rescue at medical personnel. Anang NBI, may kakulangan sa mga hakbang sa kaligtasan na humantong sa pagkasawi nina Baterbonia at Adili.
Nakasaad sa reklamo na kabilang sa mga complainant ang ina ni Baterbonia na si Rovelyn, ang Embassy of Nigeria, at ang NBI.
Samantala, ini-refer ng NBI sa Department of Interior and Local Government ang administrative complaint laban sa mga posibleng responsableng opisyal ng Municipality ng Dipaculao, Aurora—Business Permit and Licensing Office (BPLO) officer, Municipal Tourism & Cultural Development Officer and Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office (MDRRMO) head.
- Latest





















