Bagong laya timbog sa pagpatay sa babae
MANILA, Philippines — Arestado ang isang lalaking bagong laya sa kulungan, isang araw matapos ang pamamaril na ikinasawi ng isang 36-anyos na babae sa Barangay Baesa, Quezon City, noong Hulyo 7.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), ang suspek na si alyas “Jofher” ay umamin sa nagawang pamamaril sa biktimang si alyas “Arianne, na idinahilan ang mga pagbabanta umano sa kanyang pamilya.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay paulit-ulit na pinaputukan ng baril ng suspek sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan sa Sitio Mendez at G.K. Pajo, alas-5:55 ng hapon noong Martes, na nagresulta sa kagyat na kamatayan.
Sa pagtakas ng suspek, hindi umandar ang gamit na motorsiklo kaya inabandona ito at nangharang at inagaw ang nakitang motorsiklo mula sa isang rider.
Sa pagmamadali, hindi umano namalayan ng suspek na nalaglag ang ginamit na kalibre .45 pistola malapit sa pinangyarihan. Narekober ng rumespondeng mga tauhan ng Talipapa Police Station (PS 3) ang baril na ginamit ng suspek at 3 basyo ng bala.
Sa follow-up operations noong Hulyo 8, nagkataon ang suspek ay napasama sa kinapkapan subalit walang illegal na nakuha sa kanya kaya pinalaya rin. Gayunman, nang panoorin ang CCTV footage sa insidente, nakita ang mga tattoo ng suspek at hitsura nito na katulad ng personal na nakita sa kanya, kaya muli siyang tinugis at naaresto sa harapan ng kanyang bahay sa Barangay Unang Sigaw, Quezon City.
- Latest


















