Abot-kamay na pag-asa
Muling tatanggap ang hindi bababa sa 262 sangay ng Mercury Drug sa buong bansa ng mga Guarantee Letter (GL) na ibinibigay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pagbili ng gamot at mga kagamitang medikal para sa mga mahihirap na Pilipino.
Simula noong Lunes (Hunyo 22), maari nang gamitin muli ng mga benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ang kanilang mga Guarantee Letter sa mga piling sangay ng Mercury Drug.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, layunin ng pagbabalik ng kasunduang ito na mas mapalawak ang access ng mga nangangailangan sa gamot at tulong medikal. Sa ganitong paraan, mas mapapabilis at mas magiging maginhawa ang pagkuha ng tulong ng mga mamamayang dumaranas ng matinding pangangailangan.
Ipinaliwanag naman ni Assistant Secretary Irene Dumlao na bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng DSWD upang mapalakas ang pagpapatupad ng AICS at mapabuti ang paghahatid ng serbisyong medikal sa mga Pilipinong higit na nangangailangan.
Patuloy ding pinalalawak ng ahensya ang pakikipagtulungan sa mga pribadong institusyon upang mas mailapit ang mga serbisyong panlipunan sa mga komunidad at mabawasan ang hirap na dinaranas ng mga mamamayan tuwing may karamdaman o dumaraan sa matinding pagsubok sa buhay.
Bukod sa Mercury Drug, mayroon na ring kaparehong kasunduan ang DSWD sa Generika Drugstore upang mas marami pang lugar ang mapuntahan ng mga benepisyaryo at mas mabilis nilang magamit ang kanilang tulong.
Alam nyo bang hindi gamot lang ang kulang sa maraming Pilipino, kundi ang kalsadang magdadala sa kanila papunta sa tulong. Kapag ang isang mahirap ay kailangan pang mamili kung bibili ng pagkain o gamot, malinaw na hindi na simpleng problema iyon kundi laban para mabuhay. Ang pagbabalik ng pagtanggap ng Guarantee Letter sa Mercury Drug ay isang hakbang na makapagpapagaan sa pasan ng maraming pamilya.
Ngunit hindi dapat dito nagtatapos ang laban. Ang tulong ng gobyerno ay hindi dapat maging pahirapan, hindi dapat pinaghihintay, at lalong hindi dapat ipinagkakait sa mga taong higit na nangangailangan.
Hindi lahat ng sugat ay nakikita sa katawan. May mga sugat na dulot ng kahirapan, at bawat mabilis na tulong ay maaaring maging pag-asa ng isang pamilyang muntik ng sumuko.
- Latest

















