Top spot puntirya ng NU
MANILA, Philippines — Hangad ng National University na maging No. 1 seed pagkatapos ng elimination round sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament.
Tangan ang 6-2 record, makakaharap ng NU ang Ateneo de Manila University ngayong alas-2:30 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Adamson University at Far Eastern University sa alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nasa pangalawang puwesto ang Bulldogs at ang pagresbak sa Blue Eagles ang magtatabla sa kanila sa University of the Philippines Fighting Maroons sa top spot.
Pakay ng NU na kapitan ang kanilang momentum partikular sa kanilang depensa na naging susi sa paggupo sa Adamson, 79-43, noong Sabado.
Sumasakay ang Bulldogs sa isang four-game winning streak at posiblenmg humaba sa lima.
Tinuka ng Blue Eagles ang Bulldogs, 87-76, sa first round matapos umiskor si Kieffer Alas ng 10 sa kanyang 18 points sa fourth quarter.
“We’ll try our best kasi especially, sila ang tumalo sa amin sa first round. So we will do our best to compete again, and hopefully, maging favorable for us,” ani NU coach Jeff Napa sa layunin nilang magantihan ang Ateneo.
- Latest




















