Senior ID, pruweba na matanda ka na?
Isa sa tila mga kakatwa pero normal nang sitwasyon ng mga Pinoy ang pagkakaroon ng identification card na nauukol sa kanilang edad.
Wala namang malinaw at depinidong sukatan kung saang edad nagsisimulang tumanda ang isang tao. Sa kulturang Pinoy, maituturing na ngang matanda ang nasa edad na 40 at 50-anyos. Ngunit higit nang nakasanayan na ring pananaw, na pinatitibay ng mga batas, na pagsapit ng 60-anyos, matanda na ang isang tao. Sa Ingles, isa na siyang senior citizen. Nagiging palaisipan na tila nagsisimula ka nang maging matanda pagsapit mo sa edad na sisenta.
Paano kung walang maipakitang Senior Citizen ID? Pasensiya ka na lang. Kadalasang hindi ka mabibigyan ng mga kaukulang benepisyo at pribilehiyong nauukol sa mga senior citizen. Puwera ka rito kahit halata na sa iyong mukha na matanda ka na—kulubot na ang balat, maputi na ang buhok, mabagal nang lumakad, malabo ang mata at uugod-ugod. Gayunman, may mga matatanda na mukha pa ring bata at malakas kahit mahigit na sa sisenta.
Pero nakapagtataka ring tila hindi sapat ang mga dokumentong karaniwang iniisyu ng pamahalaan na nagpapakita ng edad at kapanganakan ng isang tao. Makikita ito, halimbawa, sa birth certificate, passport, driver’s license, UMID o iba pang ID mula sa SSS at GSIS, PhilHealth, National ID, Voter’s ID, Postal ID at iba pa.
Maganda nga lang sa Senior Citizen ID na pinasisimple nito ang kaukulang dokumentasyon at agad na malinaw kung sino ang may hawak nito. May nakasaad ding numero rito na kaakibat ng pangalan ng senior citizen at nakatala sa kaukulang tanggapan ng pamahalaan.
Bihira naman ang mga establisimyentong kumikilala sa ibang identification document tulad ng passport kapag walang maipakitang Senior Citizen ID ang kanilang kustomer o kliyente. Kadalasang Senior Citizen ID ang hinahanap.
Kaso nga lang, karaniwang nagiging makakalimutin din ang mga matatanda. Maaaring naiwan nila sa bahay o nawala ang kanilang Senior Citizen ID. Mabuti sana kung may photocopy ng ID o litrato nito sa cellphone na tinatanggap naman sa ilang lugar. Ngunit karamihan ay hinahanap pa rin ang mismong pisikal na Senior Citizen ID.
Naalala ko minsan, habang kinukuha ko sa bag ko ang Senior Citizen ID ko para sa binibili kong bote ng mineral water sa isang convenience store, bigla akong sinabihan ng kahera na huwag ko nang ilabas ang ID ko. Napangiti ako sa pagkagulat at naitanong ko sa kanya kung halata na sa mukha ko na senior citizen ako. Umoo siya sabay muwestra ng kamay paikot sa kanyang mukha.
Naaliw ako sa kaniyang reaksiyon, ngunit napaisip din ako. Bakit nga ba tila senior citizen ID lang ang kailangang magpatunay na matanda ka na? Hindi ba madaling mahalata sa mukha na sisenta na o mahigit ka na sa sisenta? At may iba pang mga ID na magpapatunay sa edad ng isang tao.
•••
Email-[email protected]
- Latest















