Isko, target wakasan ang informal settlements
MANILA, Philippines — Target ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na wakasan ang problema sa informal settlements sa lungsod matapos makipagkasundo ang city government sa LandBank para palaguin ang housing fund ng Maynila.
Lumagda sina Domagoso at LandBank Vice President at Chief Trust Officer Atty. Mario Sabino Jr. sa kasunduan para sa pag-invest ng humigit-kumulang P50 milyon mula sa Manila Urban Settlements Office (MUSO) Housing Trust Fund.
Layunin ng investment na mapalago ang housing fund at matiyak ang tuluy-tuloy na pondo para sa in-city vertical housing program ng lungsod. Nagmula ang nasabing pondo sa buwanang mandatory contribution ng mga benepisyaryo ng mga in-city vertical housing project.
Sinabi ni Domagoso na mahalaga ang naturang investment dahil hindi mula sa buwis ng mga residente ang palalaguing pondo, kundi mula mismo sa kontribusyon ng mga benepisyaryo na ipinagkatiwala sa lungsod.
Ayon sa alkalde, magsisilbi itong simula ng pangmatagalang hakbang upang mapalawak ang in-city vertical housing program at makalikom ng karagdagang pondo para sa pagtatayo ng mga bagong pabahay.
Layunin ng pamahalaang lungsod na mabigyan ng disenteng at ligtas na tahanan ang mas maraming pamilyang naninirahan sa informal settlements at mga nangungupahan, hanggang sa tuluyang mabawasan ang bilang ng mga pamilyang walang sariling bahay sa Maynila.
- Latest






















