Porsche ni Derek isusubasta - BOC

MANILA, Philippines — Nakatakda nang isailalim sa auction ng Bureau of Customs (BOC) ang luxury vehicle ng aktor na si Derek Ramsay na una nang kinumpiska ng pamahalaan dahil sa ilang paglabag.
Kaugnay nito, tiniyak ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na hindi pa tuluyang ‘lusot’ ang aktor hinggil sa naturang isyu.
Matatandaang una nang kinumpiska ng pamahalaan ang Porsche 918 Spyder, na pagmamay-ari ng aktor, matapos na makitaan ng ilang paglabag.
Ayon kay Nepomuceno, sa ngayon ay masasabi niyang buyer lamang at ‘in good faith’ ang aktor.Gayunman, maaari aniya itong magkaproblema kung may mga taong mag-implicate sa kanya sa isyu.
“Sa ngayon, madaling tingnan na buyer in good faith siya but if the importer implicates him, makakasama pa rin siya sa kaso,” ani Nepomuceno, sa forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) Balitaan sa Harbor View Restaurant kahapon.
Kinumpirma rin niya na nakatakda silang mag-usap ni Ramsay sa mga susunod na araw upang madinig ang panig nito hinggil sa isyu.
Aminado rin naman si Nepomuceno na malabo nang maibalik sa aktor ang kanyang sasakyan dahil pagma-may-ari na ito ngayon ng pamahalaan.
“Sa ilalim ng batas, pag-aari na ‘yan ng gobyerno at io-auction ‘yan,” giit pa ng customs chief.
Sa posibilidad naman na sumali si Ramsay sa bidding ng naturang sasakyan, sinabi ni Nepomuceno na hindi nila ito pipigilan lalo na kung may sentimental value ito sa kanya.
- Latest




















