‘Angels of Death’
NAKABABAHALA ang sinabi ng Philippine National Police na may private army si dating KOJC leader Pastor Quiboloy na tinatawag na “Angels of Death”. Ayon sa PNP, ang mga miyembro ng Angels of Death ang nagbabanta sa mga biktima ng panggagahasa at pang-aabuso.
Isang dating miyembro ng KOJC ang nagsabing nakaranas siya ng pagpapahirap sa mga miyembro ng Angels of Death. Nilagyan umano ng sili ang kanyang ari at iba pang hindi makataong pagpapahirap.
Ang paglutang ng sinasabing private army ni Quiboloy ay lalong nagpatibay sa akusasyon noon ng mga senador na may mga itinatagong baril ang pastor. Una nang binulgar ng isang witness noon sa Senado na nakita niyang binigyan ni Quiboloy ng baril si dating President Rodrigo Duterte ng mga baril na nasa isang bag. Itinanggi naman ito ng kampo ni Quiboloy.
Sabi pa ng PNP ang mga miyembro ng Angels of Death ay mga army reservist. Sinabi naman ng isang opisyal ng AFP na mahaharap sa kaso ang mga reservist na miyembro ng private army ng naarestong pastor.
Naaresto si Quiboloy noong Setyembre 8 at nasa PNP Custodial Center sa Camp Crame. Nahaharap siya sa mga kasong qualified human trafficking at child abuse.
Sa pagkakadiskubre ng Angels of Death, dapat itong mabuwag sa lalong madaling panahon. Posible itong magamit laban sa pamahalaan at magbunga nang madugong enkuwentro. Imbestigahan pa nang masinsinan ang private army na ito.
- Latest