^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Malalasap din ang hustisya dahil sa ICC

Pilipino Star Ngayon
This content was originally published by Pilipino Star Ngayon following its editorial guidelines. Philstar.com hosts its content but has no editorial control over it.
EDITORYAL - Malalasap din ang hustisya dahil sa ICC

Sabi ni Imran Ahmad Khan, chief prosecutor ng International Criminal Court (ICC), mabigat ang mga akusasyon laban kay dating President Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crime against huma­nity. Pinag-aralan umano nila ang mga pinresentang ebidensiya ng mga nagsampa ng kaso laban kay Duterte. Si Duterte ay nasa kamay na ng ICC makaraang arestuhin ng Interpol noong Miyerkules sa tulong ng PNP. Nasa detention center na si Duterte sa Scheveningen sa The Hague.

Ang pagkakaaresto kay Duterte ay nagdulot ng pag-asa sa mga kaanak ng biktima ng extrajudicial killings (EJKs). Nagkaroon ng liwanag sapagkat matagal na nilang hinahangad ang pagkakamit ng hustisya. Sabi ng mga kaanak ng EJKs victims, abot kamay na ang inaasam nilang hustisya. Ayon sa Philippine National Police (PNP), mahigit 6,000 ang namatay sa madugong war on drugs ng Duterte administration. Ayon naman sa human rights group, maaaring umabot sa 20,000 ang mga biktima ng EJKs.

Hindi malilimutan ang sinabi ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla noong Agosto 2024, na malalasap na umano ng mga kaanak ng drug war victims ang hustisya. Sinabi ni Remulla na hindi haharangin ng pamahalaan ang arrest warrants na ilalabas ng International Criminal Police Organization (Interpol) ka­ugnay sa drug war case ng ICC. Sabi ni Remulla, walang dahilan para hadlangan ang paghahain ng warrant ng Interpol. Iginagalang umano niya ang aksiyon ng Interpol. Ayon pa kay Remulla, mayroong request mula sa ICC prose­cutor para interbyuhin ang mga high-ranking police officers na pinagsususpetsahang sangkot sa madugong kampanya sa droga ng Duterte administration.

Nagkatotoo ang mga sinabi ni Remulla sapagkat naihain ang warrant of arrest kay Duterte at ngayon ay hawak na ito ng ICC. Nagkaroon ng katotohanan ang sinabi ni Remulla makalipas ang walong buwan. At posible na ngang makamit ng mga biktima ang katarungan dahil sa nangyaring pag-aresto kay Duterte.

Subalit kung magkakaroon ng katuparan ang pag­kakamit ng hustisya sa tulong ng ICC, lagi na lang bang ganito. Sa tuwing magkakaroon ng paglabag at pag-aabuso ang mga pinuno ay tatakbo na lang lagi sa ICC? Hindi ba puwedeng paganahin ang sariling batas sa bansa para makamit ang hustisya? Kailangan bang humingi ng tulong kung may aarestuhing maiimpluwensiya.

Minsan sinabi ni President Marcos Jr. na hindi na raw kailangan ang ICC para malutas ang mga kaso sa Pilipinas. Gumagalaw daw ang batas kaya hindi na dapat manghimasok ang ICC.

Sa pagkakaaresto kay Duterte sa pamamagitan ng ICC, napatunayang mahina ang justice system sa Pili­pinas. Kailangan pa ang tulong para maisakdal ang mga maimpluwensiya at gahaman.

RODRIGO DUTERTE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with