VP Sara, dumating na sa Amsterdam

MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Office of the Vice President (OVP) na dumating na sa Amsterdam si Vice President Sara Duterte, bago tuluyang madala sa The Hague Penitentiary Institution ang kanyang amang si dating Pang. Rodrigo Duterte, upang humarap sa pagdinig ng International Criminal Court (ICC).
Ayon sa OVP, alas-9:47 ng gabi ng Miyerkules (Central European Standard time) o pasado alas-2 ng madaling araw ng Huwebes (oras sa Pilipinas) nang lumapag ang eroplano ng bise presidente sa Amsterdam.
Anang OVP, “Upon her arrival, VP Duterte was met with assistance from the Dutch Foreign Ministry and the Dutch National Police Corps.”
Nakatakda rin anilang bisitahin ni VP Sara ang kanyang ama, matapos ang gagawing pakikipagpulong sa mga abogado nito.
“The Vice President is scheduled to attend a series of meetings today, 13 March 2025, while waiting for the time to visit his father, former President Rodrigo Roa Duterte,” anang OVP.
Matatandaang matapos ang pag-aresto sa kanyang ama at paglilipad dito sa The Hague ay kaagad na ring tumulak patungo sa naturang bansa ang bise presidente.
Maging ang kanyang kapatid na si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte ay nabatid na napagkalooban na rin ng travel clearance para sa isang personal na biyahe sa Japan at sa The Netherlands.
- Latest