Tres Queridas (6)
BUMALOT ang napakatinding katahimikan sa loob ng nakaparadang SUV ni Celeste. Sa labas, patuloy ang pagbuhos nang malakas na ulan sa bubong ng sasakyan.
“Hindi ko mabuksan, mali ‘yung passcode na nilagay ko” inis na sabi ni Celeste habang tinititigan ang mamahaling smartphone na ayaw tumanggap ng kanyang kaarawan. “I bought him this phone. Bakit hindi ko birthday ang passcode nito?!”
“Paano kung birthday naman pala mismo ni Carlo ang passcode?” suhestiyon ni Lani.
Sabay-sabay nilang sinubukan ang birthday ni Carlo bilang passcode pero hindi pa rin ito gumana. Tinitigan ni Diana ang hawak niyang lumang smartphone, bago bumaling kay Celeste. Maya-maya, may pumasok na kakaibang hinala sa kaniyang isip.
“Magpalitan kaya tayo ng telepono?” mahinahong sabi ni Diana.
Napunta kay Diana ang mamahaling smartphone ni Celeste, ang basag na smartphone naman ay napunta kay Lani. Samantalang ang keypad phone naman ay napasakamay ni Celeste.
“Subukan ninyong i-encode ang sarili ninyong kaarawan,” utos ni Diana.
Itinype ni Diana ang kaniyang sariling kaarawan —091293—sa mamahaling phone ni Celeste.
CLICK. Nandilat ang mga mata ni Diana. Nag-unlock ang telepono. Sa kabilang upuan, pumasok din ang kaarawan ni Celeste sa keypad phone ni Lani. At sa hawak ni Lani, bumukas ang lumang smartphone gamit ang kanyang sariling kaarawan.
Halos sabay-sabay na nagliwanag ang tatlong screen.
Nanginig ang mga daliri ni Diana habang nakatitig sa screen. Siya ang unang asawa, ngunit ang kaarawan niya ang ginagamit ni Carlo para buksan ang mamahaling teleponong gamit nito kapag kasama si Celeste.
“My god...” bulong ni Celeste, habang hawak ang pinakamurang keypad phone na nag-unlock gamit ang kanyang kaarawan. “Tuwing gagamitin niya ‘to para tawagan ka...” tiningnan niya si Lani, “...kaarawan ko ang tina-type niya?”
Hindi lang basta nambababae si Carlo. Ginawa niyang isang malaking laro ang buhay nilang tatlo. Bawat pagpindot ng passcode, paalala sa kanya ng isa pang asawa na kanyang niloloko. (Itutuloy)
- Latest















