EDITORYAL — Nakamamatay na paputok
KAHAPON, nagkalat sa bangketa ang itinitindang ipinagbabawal na paputok na kinabibilangan ng Judas Belt, plapla, rebentador, piccolo at iba pa. At ang nakapagtataka ay hindi hinuhuli ang mga vendor kahit lantaran na ang pagbebenta. Hindi kaya talaga nakikita ng mga pulis o hinahayaan na lamang. Kung ganito ang senaryo, pakitang tao lamang ang mga ginagawang pagsira ng PNP sa mga mapaminsalang paputok.
Hindi lamang mga bata ang dapat bantayan sa paputok kundi pati na rin ang mga lolo na nahuhumaling din sa paputok. Naitala ng Department of Health (DOH) ang unang kaso ng pagkamatay ng isang 78-anyos na lolo sa Central Luzon dahil nasabugan ng Judas belt. Isang bungkos umano ng Judas belt ang sinindihan ng matanda. Sumabog ito at nadamay ang matanda. Isinugod sa ospital pero makaraan ang ilang araw ay dineklarang patay. Nalapnos umano ang katawan ng matanda dahil sa Judas belt.
Noong isang araw, isang 13-anyos na dalagita sa Quezon City ang naputulan ng daliri nang sumabog sa kamay ang five star. Ayon sa babae, napakabilis ng mga pangyayari. Nagsisisi na raw siya at hindi na uulitin ang pagsisindi ng five star. May aral na umano siyang nakuha. Ang masakit, saka lamang na-realized ang kahalagahan ng pag-iingat ngayong ilang daliri na ang naputol.
Sa ulat ng DOH, 163 na ang nasusugatan dahil sa paputok at inaasahang darami pa habang papalapit ang pagpapalit ng taon. Sabi ng DOH, nakagugulat ang pagtaas ng bilang ng mga napuputukan at nasusugatan dahil sa firecrackers habang papalapit ang Bagong Taon. Mas mataas ang bilang ng mga napuputukan ngayon kumpara noong nakaraang taon sa kaparehong petsa.
Nireport ng DOH na ang mga nasusugatan ay may edad 19 pababa. Ang mga nasugatan ay gumamit ng Boga, 5-Star at Piccolo. Sa mga nabanggit na paputok, ang Boga ang pinakadelikado sapagkat sumasabog o nagba-backfire ito kaya posibleng mapinsala ang mukha ng taong gumagamit. Delikado rin naman ang piccolo sapagkat dinadampot ng mga bata sa pag-aakalang walang sindi. Huli na nang malaman na may sindi pala at sumabog na sa kamay. Putol ang daliri.
Bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak. Huwag hayaang madisgrasya sa paputok.
Ipagpatuloy naman ang pagkumpiska sa mga illegal na paputok na itinitinda sa kalsada o bangketa. Inaasahan na ngayon ay ipagmumurahan na ng vendors ang paputok para mabenta lang. Kahapon, ang mga nakumpiskang P500,000 na halaga ng illegal firecrackers at fireworks sa Cavite ay sinira. Ganito dapat para wala nang maputukan.
- Latest