Meralco sinibak ng Ginebra
MANILA, Philippines — Ibinuhos na ni import Allen Durham ang lahat para sa Meralco.
Ngunit hindi pa rin ito sapat.
Bumangon ang Ginebra Gin Kings mula sa 12-point deficit sa third period para sibakin ang Bolts, 113-106, sa Game Three ng PBA Season 49 Governors’ Cup quarterfinals series kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.
Kinumpleto ng Ginebra ang 3-0 sweep sa kanilang best-of-five duel papasok sa best-of-seven semifinals series katapat ang mananalo sa duwelo ng San Miguel at Converge.
“I am totally shocked that we were able to beat them in three straight games,” ani two-time PBA Grand Slam champion coach Tim Cone sa pagwalis ng Gin Kings sa Bolts.
Bumira si import Justin Brownlee ng 23 points habang may 19, tig-17 at 16 markers sina Japeth Aguilar, Maverick Ahanmisi, rookie RJ Abarrientos at Scottie Thompson, ayon sa pagkakasunod.
“It was a total team effort. It’s gonna take a total team effort in the next series, and I’m just so proud of my guys,” ani Stephen Holt na naglista ng 19 points, 7 rebounds at 5 assists.
Iniskor ni Durham ang 18 sa kanyang 38 points sa first half para ibigay sa Meralco ang 56-47 halftime lead na pinalobo nila sa 78-66 sa huling 4:35 minuto ng third period.
Naghulog ang Ginebra ng isang 18-9 bomba sa likod nina Brownlee, Ahanmisi, Holt at Abarrientos para makatabla sa 92-92 sa 7:29 minuto ng fourth quarter.
Huling napasakamay ng Bolts ang kalamangan sa 94-92 galing sa three-point shot ni Bong Quinto sa 6:33 minuto ng laro.
Ang 3-point play ni Abarrientos kay 6-foot-8 center Brandon Bates ang nagbigay sa Ginebra ng 97-94 abante patungo sa 109-102 bentahe sa huling 28 segundo.
Inilapit ni Anjo Caram ang Meralco sa 106-109 mula sa kanyang four-point shot sa natitirang 22.2 segundo.
Tuluyan nang sinelyuhan nina Holt at Ahanmisi ang panalo ng Gin Kings mula sa kanilang apat na magkadikit na free throws.
- Latest