Miyembro umano ng Alcantara Criminal group huli sa binyagan; 5 ninong timbog din
MANILA, Philippines — Arestado ang anim na miyembro ng Alcantara gun-for-hire group at nahulihan ng matataas na kalibre ng baril sa isigawang pagsalakay sa isang binyagan sa Caloocan City.
Batay sa report mula sa tanggapan ni Northern Police District (NPD) Acting Director PGen. Josefino Ligan, kinilala ang mga nadakip na sina alyas “Tomboy,” umano’y lider ng Alcandara Gun-for-Hire Criminal Gang, residente ng Brgy. 36, Caloocan City, alyas “Jharvis,” “Ranie,” at “Renzo” na pawang mga taga-Tondo, Manila, at alyas “Roel” at “Jerry,” kapwa residente ng Binangonan Rizal.
Alas-4:57pm nang isakatuparan ng mga operatiba ang pagsalakay sa isang binyagan sa Brgy. Marulas B, sa Caloocan City.
Iba’t ibang uri rin ng matataas na kalibre ng baril kabilang ang Bushmaster rifle na may 25 bala ng kalibre 5.56mm, Glock 17 Gen 4 na may 15 bala ng kalibre .9mm, Glock 19 pistol na may 13 bala ng kalibre .9mm, at Taurus PT 1911 pistol na may walong bala ng kalibre .45 sa magazine ang nasamsam ng pulisya mula sa nasabing criminal group.
Sa kanyang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director P/BGen, Anthony Aberin, sinabi ni Col. Ligan na naging daan ng kanilang pagkakalansag sa naturang grupo ang pagsisilbi ng mga tauhan ng District Special Operations Unit (DSOU) ng warrant of arrest na inilabas ni Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rose Sharon Santiago Cordero-Abila ng Branch 129 laban kay alyas Tomboy na akusado sa kasong murder ng walang inirekomendang piyansa.
Magsasagawa pa ng masusing imbestigasyon ang pulisya laban sa mga nadakip upang alamin ang posible nilang pagkakasangkot sa iba pang uri ng krimen.
Samantala, isinumite na sa NPD Forensic Unit ang mga nakumpiskang armas na pawang hindi lisensyado upang isailalim sa ballistic examination.
- Latest