Utang kada Pinoy, lampas P170,000 na - Cayetano

MANILA, Philippines — Aabot sa P170,598 ang katumbas na bahagi ng bawat Pilipino kung hahatiin ang mahigit P19 trilyong pambansang utang, ayon kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Sa deliberasyon ng panukalang 2027 national budget, sinabi ni Cayetano na kailangan ng mas malalim na pagtalakay sa kalagayang pinansyal ng bansa at kung paano mapapababa ang lumolobong utang ng gobyerno.
Hinimok niya ang pamahalaan na tiyaking napupunta sa mahahalagang proyekto at programa ang pondo ng bayan at masusing suriin ang paraan ng pangungutang at paggasta.
Iminungkahi rin ni Cayetano ang mas malawak na partisipasyon ng pribadong sektor at publiko sa pagpapalakas ng ekonomiya. Kabilang sa kanyang mungkahi ang paglikha ng isang boluntaryong programa kung saan maaaring mag-ambag ang mga Pilipino upang makatulong sa pagbawas ng pambansang utang.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang South Korea, kung saan naghandog ng mga alahas ang mga mamamayan upang matulungan ang kanilang bansa na makabangon mula sa krisis pinansyal.
- Latest















