60 pamilya nasunugan sa Tondo

MANILA, Philippines — Nilamon ng apoy ang nasa 25 kabahayan kaya nawalan ng tirahan ang nasa 60 pamilya o 180 residente ng Barangay 91, Tondo, Maynila, Sabado ng madaling-araw.
Ayon sa ulat, sinabi ni Fire Senior Inspector Ronald Lim, commander ng Bureau of Fire Protection Manila Station 1, walang iniulat na nasugatan o nasawi sa insidente.
Batay sa Manila City Disaster Risk Reduction and Management Department, sumiklab ang sunog dakong alas-3:36 ng madaling-araw na mabilis na kumalat at agad itinaas sa ikatlong alarma dakong alas- 3:52 ng madaling-araw.
Idineklarang fire under control pagsapit ng alas-4:57 ng umaga at tuluyang naapula dakong alas-6:10 ng umaga.
Sinabi ng BFP na naging hamon sa pag-apula ng apoy ang malakas na hangin mula sa katabing ilog na naging dahilan nang mabilis na pagkalat ng apoy at makikipot na eskinita at looban na malayo ang distansya sa mga fire trucks.
Nagawan ng paraan sa paglalatag ng maraming dugtong na fire hose at sa pagtutulungan ng mga residente.
Patuloy pang inaalam ang naging sanhi ng sunog at halaga ng pinsala.
- Latest






















