Magdyowa arestado sa illegal na baril
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga otoridad ang isang magdyowa nang mahulihan ang mga ito ng baril sa isinagawang police raid Brgy. Sto. Niño, Parañaque City noong Martes.
Kinilala ni Parañaque City Police Station Chief, P/Colonel Nicolas Pinon ang magdyowang sina alyas “Bogie,” 35, at alyas “Erica,” 27.
Sa ulat, nagpatupad ng search warrant ang Sto. Niño Police Sub Station katuwang ang SWAT team at Tactical Motorcycle Riding Unit sa Creekside Area 1 Extension, Sitio Libjo, Barangay Sto. Niño, alas-3:05 ng hapon kaugnay sa umano’y paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).
Sa gitna ng operasyon, nakialam si Erica sa operasyon kaya inaresto siya dahil sa obstruction of justice, habang si Bogie ay positibo na nakumpiskahan ng kalibre .38 revolver na may apat na bala.
Inaalam pa ng mga otoridad kung may kaugnayan ang nakumpiskang baril sa iba pang krimen.
- Latest


















