Senate Resolution vs Chinese envoy inihain

MANILA, Philippines — Inihain ni Sen. Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 746 na humihikayat kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan o hilingin sa Beijing na pauwiin ito sa China.
Bagama’t mas pinipili ng Malacañang na resolbahin ang mga isyu sa pamamagitan ng diplomasya, sinabi ni Hontiveros na nais lamang ng Senado na ipahayag ang pagtutol nito sa umano’y hindi diplomatikong asal ng Chinese envoy.
Ang hakbang ay kasunod ng pahayag ni Quan na madaling mananalo ang China kung gugustuhin nitong gumamit ng puwersa, ngunit pinili umano nitong panatilihin ang kapayapaan.
Dahil dito, ilang mambabatas kabilang sina Sens. Hontiveros, JV Ejercito at Erwin Tulfo ang bumatikos sa naturang pahayag. Nauna ring naghain si Tulfo ng hiwalay na resolusyon na nananawagang ideklara ring persona non grata ang Chinese ambassador.
Samantala, nilinaw ng Chinese Embassy na nakipagpulong si Quan kay Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro upang ihain ang kanilang pagtutol sa mga pahayag ng ilang opisyal at pulitiko na umano’y nagbigay ng maling konteksto sa panig ng China.
- Latest




















