‘Pasabog ni Trillanes imbento, kathang isip’

Bwelta ng kampo ni VP Sara
MANILA, Philippines — Inakusahan ni Atty. Salvador Paolo Panelo, tagapagsalita ng kampo ni Vice Pres. Sara Duterte, si dating Senador Antonio Trillanes IV ng patuloy na pagpapakalat ng umano’y mga “gasgas” at paulit-ulit na kasinungalingan laban sa pamilya Duterte mula pa noong 2016.
Ang pahayag ni Panelo ay tugon sa mga alegasyong inilahad ni Trillanes sa isang press conference noong Biyernes, kung saan inakusahan nito si VP Duterte at ang asawa nitong si Atty. Manases “Mans” Carpio na nakatanggap umano ng P150 milyon at P319 milyong remittances mula sa China sa pamamagitan ng isang foundation at korporasyon.
Ayon kay Panelo, kabilang sa mga umano’y kasinungalingan ang “gawa-gawang” ugnayan sa ilegal na droga, “kathang-isip” na hindi maipaliwanag na yaman, at “imbentong” koneksiyon sa China.
“The Vice President would gladly sue him for these endless fabrications, but we have already witnessed how those who actively peddle malicious lies against her and her family are openly protected and propped up by this administration,” pahayag ni Panelo.
Binanggit din niya ang mga pangalang Ramil Madriaga, Rodulfo Gracioso Jr., Peter Joemel Advincula at Atty. Jude Sabio, na dati na ring iniugnay sa mga alegasyon laban sa mga Duterte.
Dahil umano sa paulit-ulit na pagpapakalat ng maling impormasyon, sinabi ni Panelo na ilang ulit nang nabigo si Trillanes sa kanyang mga tangkang makabalik sa puwesto sa pamamagitan ng halalan.
Binatikos din niya ang naging pag-atras ni Trillanes bilang testigo sa impeachment case, na aniya’y nagpapakita na hindi kakayanin ng mga alegasyon nito ang masusing legal na pagsusuri.
Ayon pa kay Panelo, ang mga ibinunyag ng dating senador ay isa lamang umanong uri ng black propaganda at character assassination laban sa Bise Presidente.
Nagpasalamat naman umano si Duterte sa mga Pilipinong aniya’y nakakakita sa likod ng umano’y “media stunt” ni Trillanes at sa sinasabing planong paninira sa kanya sa pulitika.
“Hayaan natin ang ebidensiya ang magsalita sa impeachment court,” ayon kay Panelo.
- Latest




















