Extradition vs Quiboloy malapit nang isampa - DOJ
MANILA, Philippines — Malapit nang ihain ng Department of Justice (DOJ) sa korte ang petisyon para sa extradition o pagpapalabas kay Pastor Apollo Quiboloy patungong Estados Unidos.
Ayon kay Justice Secretary Fredderick Vida, sumasailalim na lamang sa huling yugto ng “legal scrubbing” o pagsusuri ang inihahandang petisyon at malapit na itong pormal na isampa.
Si Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC), ay nahaharap sa non-bailable na kasong qualified human trafficking sa ilalim ng Section 4(a) ng Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, sa Pasig court at nakapiit ito sa Pasig City Jail noong pang Agosto 2024.
Bukod pa rito ang mga kaso sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Ayon sa PH-US Extradition Treaty, pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga legal na hakbang tulad ng pagpapatapos muna sa mga lokal na paglilitis at pagsisilbi ng sentensiya sa Pilipinas bago ang pinal na pagsuko o paglilipat sa otoridad ng Estados Unidos.
Nauna nang nagpahayag ng kumpiyansa si Chief State Counsel Dennis Chan na pagbibigyan ang petisyon ng DOJ basta matugunan ang mga rekisito sa ilalim ng extradition treaty. -
- Latest
























