Win No. 2 kakanain ng Gilas Women

MANILA, Philippines — Ang ikalawang sunod na panalo ang pilit na ililista ng Gilas Pilipinas Women sa pagsagupa sa Hong Kong sa 20th Asian Games women’s 5x5 basketball tournament sa Aichi International Arena sa Japan.
Magtutuos ang World No. 30 Gilas Women at No. 105 Hong Kong ngayong alas-9 ng umaga sa Group B kung saan hangad ng tropa ni Canadian coach BT Toews na makadikit sa quarterfinals seat.
“More than the adjustment that I made, I thought this group came in and for that one week of practice, they were great,” ani Toews na pumalit kay Patrick Aquino, coach ngayon ng Blackwater Bossing sa PBA.
Ang top two teams sa bawat grupo at ang dalawang best third-placed teams ang lalaro sa knockout quarterfinals stage.
Nagmula ang mga Pinay cagers sa 86-58 pagdurog sa No. 69 Kazakhstan na tinampukan ng team-high 23 points ni naturalized center Elizabeth Means, ang mga ninuno ay tubong Naga City, Camarines Sur.
“Like, it’s so fun to play with a group of girls who just love basketball so much and we work hard every single day. So, it’s fun that we got to apply it all in the game,” sabi ni Means na unang naglaro sa Gilas Women 3x3 team.
Nakalasap naman ang Hong Kong ng 37-114 kabiguan sa host Japan na lalabanan ng Gilas Women sa Setyembre 22 sa alas-11 ng tanghali sa pagtatapos ng group stage.
Muling makakatuwang ng 6-foot-1 na si Means sina veterans Janine Pontejos at Afril Bernardino kasama sina Kent Pastrana, Jhazmin Joson, Stefanie Berberabe, Angel Surada at Karl Pingol.
- Latest




















