Tres Queridas (7)
NANGINGINIG ang mga kamay ni Celeste habang hawak ang mumurahing keypad phone ni Lani. Tila gusto niya itong ibato sa sobrang inis.
“I spent a hundred thousand pesos for that phone!” asik ni Celeste, habang nanginginig ang mga daliri sa galit at pagkainsulto. “Binili ko ‘yon para sa kaniya nung anniversary namin! Tapos ang birthday mo ang gagamitin niyang passcode?!” sabi nito habang nakairap kay Diana.
Tinitigan ni Celeste ang keypad phone. Ang teleponong ginagamit ni Carlo para sa buntis na asawa nito. Ang pincode ng mumurahing cell phone na ito ay ang kanyang birthday. Para itong isang malaking sampal sa kanyang pride at pagkatao.
“Ipagdasal ni Carlo na nalunod na lang talaga siya dahil hindi ko alam kung anong magagawa ko kapag nagkita kami,” sabi ni Celeste.
Bago pa man makasagot si Diana o si Lani, biglang nag-vibrate ang basag na smartphone ni Diana. Sumindi ang screen at nag-pop up ang isang notification mula sa isang shopping app.
“Your order is out for delivery! Estimated arrival today between 1:00 PM - 5:00 PM.”
Natigilan ang tatlo. Mabilis na kinuha ni Diana ang telepono at ini-open ang app. Pinindot niya ang details ng parcel.
“May inorder siya kamakailan lang,” bulong ni Diana habang binabasa ang delivery address. “Unit 404, St. Peregrine Apartments, Cubao, Quezon City.”
Napakunot ang noo ni Celeste. “Cubao? Sabi mo sa akin sa Pasig kayo nakatira?”
“Wala kaming apartment sa Cubao,” sagot ni Diana, habang bumibilis ang tibok ng kanyang puso. “Ikaw, Lani, taga-Cubao ka ba?”
“Hindi ko po alam ‘yang lugar na ‘yan,” sabi ni Lani habang hawak ang tiyan.
Nagkatinginan ang tatlong babae sa loob ng SUV. May isang nakatagong lugar si Carlo na hindi alam ng kahit sino sa tatlo niyang asawa, isang lugar na doon mismo ipinadadala ang kanyang mga personal na gamit.
“I-cancel niyo na ang mga gagawin niyo ngayong araw,” utos ni Celeste kay Diana at Lani. “Pupunta tayo sa Cubao. Kailangan nating makita ang apartment na ‘yun.” (Itutuloy)
- Latest


















