Means pasikat sa Gilas Women

MANILA, Philippines — Kung may Justin Brownlee ang Gilas Pilipinas Men, may Elizabeth Means naman ang Gilas Pilipinas Women.
Kumamada ang 6-foot-1 naturalized center ng 23 points para banderahan ang World No. 30 Gilas Women sa 86-58 paglampaso sa No. 69 Kazakhstan sa pagsisimula ng 20th Asian Games women’s 5x5 basketball tournament kahapon sa Aichi International Arena sa Japan.
Nagtala ang makulit na si point guard Stefanie Barbarabe ng 11 points, walong assists, limang steals at apat na rebounds para sa kanilang 1-0 record sa Group B.
Kumolekta ang tropa ni Canadian coach BT Toews ng kabuuang 26 steals at 10 three-point shots laban sa matatangkad na Kazakhs players.
Sa pagbubukas pa lamang ng first period ay naging agresibo na ang mga Pinay cagers para itayo ang 16-5 abante tampok ang dalawang sunod na triples ni veteran guard Janine Pontejos.
Mula rito ay tuluyan nang nabaon ang Kazakhstan sa halftime, 32-49.
Lalo pang dumistansya ang Gilas Women nang iposte ang 36-point lead, 76-40, sa pagtatapos ng third quarter patungo sa 83-50 kalamangan mula sa floater ni Angel Surada sa huling 2:42 minuto ng final canto.
Tinalo rin ng Gilas Women ang Kazakhstan, 83-59, sa pagdribol ng 2022 Asiad sa Hangzhou, China kung saan tumapos ang mga Pinay sa fifth place nang matalo sa South Korea sa quarterfinals.
Pupuntiryahin ng Gilas Women ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa No. 105 Hong Kong sa Linggo sa alas-9 ng umaga.
Haharapin ng Gilas Women ang No. 10 Japan sa Setyembre 22 sa alas-12 ng tanghali sa pagsasara ng group stage.
Ang top two teams sa bawat grupo at ang dalawang best third-placed teams ang lalaro sa knockout quarterfinals stage.
- Latest



















