Le Chic bumida sa PCSO 2YO Maiden race
MANILA, Philippines — Hindi binigo ng Le Chic ang mga liyamadista matapos nitong angkinin ang korona sa katatapos na 2026 PHILRACOM - PCSO 2-Year-Old Maiden Stakes Race 1 na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas kahapon.
Maganda ang naging salida ng mga kalahok kaya naman pagalingan sa pagpuwesto ng kabayo ang mga hinete sa kaagahan ng laban.
Hinawakan ng Le Chic ang bandera sa kalagitnaan ng karera kung saan ay tatlong kabayo ang lamang nito sa naglulutsahan sa tersero puwesto na Archess Bell at Bantayan Island.
Pagdating sa far turn ay lumalapit sa Le Chic ang Archess Bell at Bantayan Island kaya naman bahagyang pinitik ng latigo ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce ang winning horse.
Sa huling kurbada ay halos magkapanabayan sa unahan ang Le Chic at Archess Bell habang hinihingal sa tersero puwesto ang Bantayan Island.
Subalit nanatili ang tikas ng Le Chic kaya naman tinawid nito ang meta ng may apat na kabayong agwat sa pumangalawang Archess Bell habang tersero ang Bantayan Island.
Nirehistro ng Le Chic ang tiyempong 1:12 .6 minuto sa 1,200 meter race sapat upang sikwatin ng winning horse owner ang P900,000 napunta sa Archess Bell ang P337,500 habang P187,500 ang inuwi ng Bantayan Island.
Nakopo naman ng breeder ng nanalong kabayo ang P75,000 habang P45,000 at P30,000 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod.
- Latest


















