7 ospital ng Maynila naka-Code White Alert
Dahil sa lakas ng ulan at hangin
MANILA, Philippines — Bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng mga emergency cases bunsod ng patuloy na malakas na pag-ulan at Red Rainfall Warning sa Metro Manila, inilagay na ng Manila LGU sa Code White Alert ang pitong ospital na kanilang pinatatakbo.
Kabilang sa mga ospital na nasa Code White Alert ang Gat Andres Bonifacio Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Mayor Ramon Bagatsing General Hospital, Ospital ng Maynila Medical Center, Sta. Ana Hospital, at President Corazon C. Aquino General Hospital sa Baseco.
Sa ilalim ng alerto, naka-standby nang 24/7 ang mga doktor, nurse, medical personnel, emergency response teams, at operations centers upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang insidente.
Kasabay nito, itinaas din ang kahandaan ng mga evacuation center, district welfare offices ng Manila Department of Social Welfare, at mga health center sa buong lungsod.
Nanawagan ang lokal na pamahalaan sa mga residente na manatiling alerto, unahin ang kaligtasan, at agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad kung mangangailangan ng tulong sa panahon ng masamang panahon.
- Latest


















