Bermuda Triangle bumulaga sa 3rd Leg Triple Crown
MANILA, Philippines — Nakitaan ng husay ang Bermuda Triangle matapos sikwatin ang korona sa 2026 PHILRACOM-PCSO ‘3rd Leg Triple Crown’ stakes race na nilarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas noong Linggo ng hapon.
Mabilis na lumabas ng aparato ang Hoover Dam, Gentle Dance at Georgia upang magtagisan agad sa unahan sa kaagahan ng karera habang nanonood sa pang-apat na puwesto ang Everest na kakampi ng Bermuda Triangle.
Maagang naupos ang second leg winner na Gentle Dance dahil iniwanan ito ng Hoover Dam at Georgia sa kalagitnaan ng karera habang humangos na lumapit sa dalawa ang Everest at Go Santino Go.
Pagdating sa far turn ay kumuha ng unahan ang Everest at nakasunod agad ang Go Santino Go sa karerang inisponsoran ng Philippine Charity Sweepstakes Office, (PCSO).
Subalit papasok ng huling kurbado ay malakas na rumeremate ang Bermuda Triangle kaya naman madali nitong inagaw ang bandera sa Go Santino Go na inungusan ang Everest tungo sa panalo.
- Latest






















