‘Pasabog’ sa testimonya ni Matibag asahan
MANILA, Philippines — Inaasahang magiging sentro ng atensyon ngayong linggo si National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag matapos kumpirmahin ng Kamara na siya ang maglalabas ng mahahalagang impormasyon kaugnay ng Article IV ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Ang naturang artikulo ay tumatalakay sa umano’y pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega, si Matibag ang may pinakamainam na posisyon upang ipaliwanag ang mga rekord at datos na hindi lubos na nailahad ng mga naunang testigo. “I’m sure nag-e-expect kayo ng fireworks this week. There will be fireworks,” ani Ortega sa press conference sa Kamara.
Bilang pinuno ng NBI, may access si Matibag sa kumpletong investigative records, kabilang ang mga dokumento mula sa iba’t ibang division na humawak sa kaso. Matapos tapusin ng NBI Cybercrime Division ang kanilang bahagi ng imbestigasyon, inaasahang tatalakayin ng direktor ang mas malawak na resulta ng pagsisiyasat. “Being the head of the bureau, he has the access to all of the records… he has keys to the castle,” dagdag pa ni Ortega.
Isa sa mga inaasahang lalantad ay ang imbestigasyon hinggil sa mga pahayag ni VP Duterte noong Nobyembre 23, 2024, na tumutukoy kay Pangulong Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez. Binanggit ni Ortega na may ilang impormasyon, partikular sa tinaguriang “assassin lead,” na maaaring manatiling classified o kailangan pang beripikahin bago isapubliko. “Parang iyong lead sa so-called assassin, siyempre classified iyong iba diyan… hindi puwedeng basta-basta sabihin kung hindi solid,” giit niya.
Inaasahan ding haharap si Matibag sa masusing pagtatanong mula sa senator-judges, lalo na’t may tensyon kamakailan sa pagitan ng ilang miyembro ng Senado. Gayunpaman, iginiit ni Ortega na hindi nito mababago ang kahalagahan ng testimonya ng NBI chief. Umaasa ang prosekusyon na pagbabatayan ng mga hukom ang ebidensyang ihaharap at hindi maimpluwensyahan ng usaping pampulitika.
Tinanggihan ni Ortega ang mga pagtatangkang kwestyunin ang kredibilidad ni Matibag dahil sa dati nitong kaugnayang pampulitika. Aniya, kilala ang direktor bilang tapat at prangkang opisyal na nagsasalita nang walang dagdag o pagpapaganda ng kwento. “Kung mayroon mang pinaka-credible… siguro magandang gamitin natin is informative kasi mas privy sila sa mga impormasyon na hindi natin kayang sagutin,” dagdag pa ng kongresista.
- Latest






















