BI: Mining exec ibabalik sa kulungan
MANILA, Philippines — Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na inaasahang maibabalik na sa kanilang detention facility ang mining executive na si Joseph Sy sa loob ng isang linggo matapos siyang ideklara ng kaniyang mga doktor na medically fit na para sa discharge mula sa pagkakakulong sa ospital.
Ayon kay BI Commissioner Joel Viado, pinayagan lamang ang halos isang buwang pananatili ni Sy sa ospital dahil sa humanitarian considerations. Si Sy, 60, ay nasa kustodiya ng BI kaugnay ng deportation proceedings matapos ang imbestigasyon sa umano’y ilegal na pagkuha ng mga dokumento ng Philippine citizenship. Inaresto siya sa Ninoy Aquino International Airport noong Agosto 21, 2025 matapos tumugma ang kanyang biometrics sa isang Chinese citizen.
Sinabi rin ni Viado na nananatiling nasa ilalim ng legal na kustodiya ng BI si Sy habang hinihintay ang pinal na resolusyon ng kaso, na kasalukuyang nasa proseso pa ng pagdinig kasunod ng naging desisyon ng Court of Appeals. Patuloy rin umanong pinag-aaralan ng pamahalaan ang mga legal na hakbang na maaari nitong gawin.
Nilinaw ng BI na ang pagbabalik ni Sy sa detention facility ay bahagi lamang ng custodial at administrative procedures at hindi makaaapekto sa nagpapatuloy na judicial proceedings.
- Latest



















