Mga bata binubuyo sa sexual exploitation sa Roblox

19-anyos timbog
MANILA, Philippines — Tiklo ang 19-anyos na lalaki na natunton ng National Bureau of Investigation sa panghihikayat sa mga menor-de-edad na magpadala ng mahahalay na larawan at video kapalit ng Robux, ang virtual currency ng larong Roblox, ayon sa ulat nitong Sabado.
Kumilos ang NBI sa referral ng Department of Justice - Office of the Cybercrime hinggil sa aktibidad ng suspek at sinalakay noon Hunyo 30, 2026 ang lokasyon sa Pampanga ng suspek na natukoy sa paggawa ng child sexual abuse at exploitation materials.
Sa isinagawang digital investigation, lumabas na may kaugnayan ang suspek sa online sexual exploitation ng mga bata na player ng Roblox.
Nakikipagkaibigan muna ang suspek at saka kukumbinshin ang mga biktima na bibigyan ng premyong Robux bilang kapalit sa ipadadalang video at larawan na nakikipagtalik at malalaswang pose, na inuutos niya.
Isinilbi ang search warrant sa bahay ng suspek at nakalap ang mobile phone na naglalaman ng mga sexual videos at photos na ginamit bilang ebidensya laban sa kanya sa inquest proceedings sa reklamong Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM) Act.
- Latest





















