Auto Cruise bumida sa 3YO race
MANILA, Philippines — Pasiklab ang liyamadong Auto Cruise matapos nitong angkinin ang panalo sa 3-Year-Old PHILRACOM - RBHS race na nilarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas kahapon.
Mabilis na lumabas ng aparato ang Auto Cruise upang hawakan ang bandera sa kaagahan ng karera, subalit hinabol din agad ito ng Student Regent kaya nagkaroon ng bakbakan sa unahan.
Naging mainit ang labanan sa unahan sa kalagitnaan ng karera sa pagitan ng Auto Cruise at Student Regent habang nagmamasid sa pangatlong puwesto ang kakampi ng winning horse na Dame Of Pania.
Hindi naghiwalay sa unahan ang Auto Cruise at Student Regent sa malayong tersero na Dame Of Pania at umabot hanggang home turn ang bakbakan.
Magkapanabayan pa rin sa unahan ang Auto Cruise at Student Regent sa rektahan pero sa huling 50 metro ng karera ay umungos na ang una.
Tinawid ng Auto Cruise ang meta ng may kalahating kabayo ang agwat sa pumangalawang Student Regent, tersero ang Courage habang pumang-apat ang Brown Tiger.
Sinakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee Patty Ramos Dilema, nirehistro ng Auto Cruise ang impresibong tiempo na 1:15.8 minuto sa 1,300 meter race.
- Latest





















