NBI tinabla hiling ni VP Sara na ‘advance questions’
MANILA, Philippines — Hindi pagbibigyan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang hiling ni Vice President Sara Duterte na bigyan siya ng advance questions sa gitna ng isasagawang imbestigasyon sa kanyang kontrobersyal na pahayag sa pagpatay laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinabi ni NBI Director Jimmy Santiago nitong Linggo na ang magiging pangunahing katanungan na alam na rin ng Bise Presidente, ay kung sino ang kinontrata na papatay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang claim nito na may banta sa kaniyang buhay, na bukod dun ay hindi sila magbibigay ng iba pang detalye sa kung ano pa ang mga itatanong.
Muling itinakda sa Disyembre 11 ang pagharap ni Duterte sa NBI matapos makansela noong Nobyembre 29 dahil sa hindi pagsipot nito.
Ang imbestigasyon ng NBI ay upang pagpaliwanagin sa kaniyang mga pahayag na nag-utos na siya na patayin si Marcos, ang First Lady Liza Araneta Marcos, at Speaker Ferdinand Martin Romualdez kung siya ay mapapatay.
Una nang hiniling ni Duterte sa NBI na bigyan siya ng kopya ng complaint at iba pang dokumento kung bakit siya iimbestigahan ng NBI, at padalhan din siya ng listahan ng mga katanungan na itatanong sa kaniya sa araw ng pagharap.
Nagbanta si Santiago na kung ‘di pa lulutang si Duterte sa NBI ay magiging dahilan ito na ma-waive ang karapatan niyang magpaliwanag at mapipilitang isulong na ang rekomendasyon sa Department of Justice (DOJ).
- Latest